MANILA, Philippines – Kung mabibigyan siya ng pagkakataon ay handa si dating world four division world champion Nonito “The Filipino Flash” Donaire Jr. na muling sagupain si dating world super bantamweight champion Guillermo Rigondeaux sa isang rematch.
Matatandaang tinalo ni Rigondeaux si Donaire via unanmous decision sa kanilang super bantamweight championship fight noong 2013.
“I gotta get this belt and I want (Rigondeaux) to try to take it back,” ani Donaire. “You’ve only (beat me) once, so let’s see if you can do it twice. I’ll be waiting.”
Nakatakdang harapin ni Donaire si Cesar Juarez sa isang super bantamweight championship fight sa Disyembre 11 sa Coliseo Roberto Clemente sa San Juan, Puerto Rico.
Nangako si Donaire (35-3-0, 23 KOs) na tatalunin si Juarez para makapaghiganti kay Rigondeaux, isang two-time Olympic Games gold medalist.
Tinalo ni Rigondeaux (16-0-0, 10 KOs) si Filipino contender Drian “Gintong Kamao” Francisco (28-4-1, 22 KOs) sa kanilang ten-round, non-title fight kahapon sa Mandalay Bay sa Las Vegas, Nevada.
Umiskor si Rigondeaux ng 100-90, 100-90 at 97-93 puntos para talunin si Francisco at muling mag-ingay sa super bantamweight class.
Halos isang linggo lamang pinaghandaan ng 33-anyos na si Francisco ang naturang laban, habang ito naman ang unang pagsabak ng 35-anyos na si Rigondeaux matapos mabakante ng 11 buwan.
Nakakonekta ang Cuban star ng 72 punches kay Francisco na nakasuntok lamang ng 42 beses sa loob ng 10 round.