MANILA, Philippines – Sa ikalawang sunod na taon ay muling nagbida si forward Mac Belo para sa Far Eastern University.
Isinalpak ng 6-foot-4 na si Belo ang isang krusyal na follow-up kasabay ng pagtunog ng final buzzer para tulungan ang No. 2 Tamaraws sa 76-74 pagtakas laban sa No. 3 Ateneo Blue Eagles sa Final Four ng 78th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Tumapos si Belo na may 15 points sa ilalim ng 16 markers ni Roger Pogoy para ihatid ang FEU sa UAAP Finals sa ikalawang sunod na pagkakataon makaraang mabigo sa nagkampeong National University.
Nagbitbit ang Morayta-based team ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa Katipunan-based squad sa Final Four.
“Si Belo lang ang naka-shoot nung huling tira, but it was a team effort kaya kami nakabalik sa Finals,” sabi ni coach Nash Racela, nakahugot ng 13 points kay guard Mike Tolomia.
Nauna nang nagsalpak si Belo ng isang buzzer-beater nang kumonekta ng isang three-point shot para ungusan ang La Salle Green Archers sa nakaraang UAAP Final Four.
Mula sa mintis ni Tolomia ay nadakma ni Belo ang offensive rebound para sa kanyang putback.
Nakuha ng Ateneo ang 74-71 abante sa huling 2:28 minuto ng fourth quarter galing sa jumper ni back-to-back UAAP Most Valuable Player Kiefer Ravena.
Nakatabla naman ang FEU sa 74-74 nang maisalpak ni Pogoy ang kanyang three-point shot sa huling 1:08 minuto ng laro.
Pinamunuan ni Ravena ang Blue Eagles sa kanyang game-high na 25 points kasunod ang 17 ni Adrian Wong at 15 ni Von Pessumal.
Samantala, hangad din ng No. 1 University of Sto. Tomas na makuha ang ikalawang finals ticket sa pagharap sa No. 4 NU ngayong alas-3:30 ng hapon sa Big Dome.
FEU 76 – Pogoy 16, Belo 15, Tolomia 13, Iñigo 9, Dennison 6, Jose 5, Ru. Escoto 4, Orizu 4, Arong 4, Tamsi 0.
Ateneo 74 – Ravena 25, Wong 17, Pessumal 15, Gotladera 8, Ikeh 4, Ma. Nieto 2, Go 2, Capacio 1, Babilonia 0, Black 0. A. Tolentino 0, Pingoy 0, V. Tolentino 0.
Quarterscores: 19-12, 38-32, 56-50, 76-74.