Cignal, Air Force unahang lumapit sa Spikers’ Turf title

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan)

1 p.m. PLDT Home Ultera vs Navy

3 p.m. Air Force

vs Cignal HD TV

 

MANILA, Philippines – Muling sasandalan ng Cignal HD TV si Lorenzo Capate Jr. sa kanilang pagsagupa sa Philippine Air Force sa pagsisimula ng best-of-three championship series para sa Spikers’ Turf Season 1-Reinforced Conference na inihahandog ng PLDT Home Ultera sa The Arena sa San Juan City.

Nakatakda ang series opener ng HD Spikers at ng Raiders ngayong alas-3 ng hapon matapos ang sultada ng PLDT Home Ultera Ultrafast Spikers at Navy Sailors sa ala-1 para sa third place trophy.

Para maitakda ang kanilang title showdown ay kinailangan munang talunin ng Cignal HD TV ang PLDT, 25-22, 21-25, 25-23, 11-25, 15-8  habang pinadapa ng Air Force ang Navy, 25-15, 20-25, 29-27, 24-26, 15-12, sa semifinals.

Kumpiyansa ang Raiders na muli nilang tatalunin ang HD Spikers makaraang kunin ang 22-25, 18-25, 25-20, 21-25 panalo noong Oct. 17 sa elimination round.

Matapos mabigo sa Air Force ay tatlong sunod na panalo ang kinuha ng Cignal, kasama rito ang paggupo sa PLDT, ang Open Conference champion.

Sa naturang tagumpay kontra sa Ultrafast Spikers ay humataw si Capate ng 26 points, tampok dito ang 23 kills, para sa HD Spikers.

Makakatuwang ni Capate sina Herschel Ramos, Edmar Bonono at Alexis Faytaren.

Ang attacking combo nina Jeffrey Malabanan, Roldolfo Labrador, Reyson Fuentos at Ruben Inaudito, humataw ng 17 at tig-16 hits, ayon sa pagkakasunod, laban sa Sailors, ang muling aasahan ng Raiders.

Bago ang nasabing sultada ay hihirangin muna ng liga ang best individual performers ng komperens­ya.

Show comments