LAS VEGAS, Nevada – Kinumpleto nina Biboy Rivera at Liza del Rosario ang kanilang 24-gamer series sa pinagulong na 5107 at 4814, ayon sa pagkakasunod, para umabante sa susunod na yugto ng Qubica AMF Bowling World Cup international finals dito sa Sam’s Town, Las Vegas.
Tumapos ang dating FIQ world champion na si Rivera bilang No. 8 mula sa 86 partisipante sa men’s division, habang umupo si Del Rosario sa No. 14 sa women’s competition.
Ang top 24 men at top 24 women ay sasabak pa sa walong laro bukas na magdedetermina sa top eight sa dalawang dibisyon.
Makaraan ang head-to-head round-robin matches, ang top three finishers ay maglalaban sa knockout games para sa hihiranging kampeon.
Umangat si defending champion Ciara Guerrero sa leader board sa kanyang 5177 kasunod sina Sandra Gongora (5158) ng Mexico at Shannon Pluhowsky (5134) ng USA.
Ang pinakamalaking iskor sa women’s event ay ang 259 (high game) ni Maria Bulanova ng Russia at ang high sets na 1741 ni Chiara, ang 1740 ni Geraldine Ng Su Yi ng Singapore at ang 1738 ni Bulanova.
Nagpagulong naman si Catherine Durieux ng Belgium ng 204 game para kunin ang 24th spot.