Butler, Gasol nagtulong sa panalo ng Bulls

CHICAGO – May bagong coach at bagong starting five, hinahanap pa ni Pau Gasol at ng Bulls ang kanilang pagkakakilanlan.

Nagawa naman nila ito.

Umiskor si Jimmy Butler ng 27 points, habang humakot si Gasol ng 19 points at 13 rebounds para tulungan ang Chicago sa 102-97 panalo laban sa Charlotte Hornets.

Nakabangon ang Bulls mula sa 25-point loss sa Hornets noong Nov. 3.

Humugot naman si Nicolas Batum ng 12 sa kanyang 28 points sa third quarter para sa Charlotte, habang nag-ambag si Kemba Walker ng 16 points, 9 rebounds at 7 assists.

Iniwanan ng Chicago ang Charlotte sa halos kabuuan ng fourth quarter bago tumipa si Jeremy Lamb ng walong sunod na puntos para ilapit ang Hornets sa 87-88 agwat sa 5:54 minuto nito.

Nagsalpak si Butler ng isang jumper at dalawang free throws at umiskor si Derrick Rose ng driving layup para muling ilayo ang Bulls sa 94-87 sa huling 4:32 minuto.

Sa iba pang laro, tinalo ng Oklahoma City Thunder ang Philadelphia 76ers, 102-85; pinatumba ng Dallas Mavericks ang LA Lakers, 90-82; binigo ng Denver Nuggets ang Houston Rockets, 107-98; dinaig ng Sacramento Kings ang Brooklyn Nets, 111-109 at ginapi ng Indiana Pacers ang Minnesota Timberwolves, 107-103.

Show comments