Imports ng PLDT bibinyagan ng KIA

Laro Ngayon

(The Arena, San Juan City)

(V-League)

12:45 p.m.  PLDT Home Ultera vs Kia Forte

3 p.m.  Army vs UP

(Spikers’ Turf)

5 p.m.  IEM vs Navy

 

MANILA, Philippines – Masisilayan ngayon ang pinaigting na pu­wersa ng PLDT Home Ultera Fast Lady Hitters sa pagharap sa Kia Forte habang sisikapin ng Army Lady Troopers na walisin ang elimination round laban sa UP Lady Maroons sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.

Ito na ang huling araw sa single round robin elimination at malalaman din kung may magaganap na playoff para sa ikaapat at huling puwesto na aabante sa kompetisyong inor­ganisa ng Sports Vi­sion katuwang ang Sha­key’s at handog ng PLDT Home Ultera.

Sa  kartang 1-3, ang Kia Forte ay nangangailangan ng panalo laban sa PLDT sa unang laro sa ganap na alas-12:45 ng tanghali para maitakda ang playoff  laban sa pahingang Navy Lady Sailors na tinapos ang kampanya sa 2-3 karta.

Ngunit hindi magiging madali ang layuning ito dahil bukod sa binubuo ng mahuhusay na locals ang PLDT, humugot pa sila ng dalawang matatangkad at mahuhusay na imports para palakasin ang paghahabol sa pa­ngalawang kampeonato matapos dominahin ang Open Conference.

Sina 6’4 Sareea Freeman at 6’3 Victoria Hurtt ang mga unang dalawang imports na maglalaro sa ikatlo at huling conference ng V-League sa 2015 at  tiyak na ang nasa ikalawang puwesto sa team stan­dings (3-1) ang magiging patok para manalo sa liga.

Ikalimang sunod na panalo ang nakataya sa Lady Troopers sa ikalawang laro sa alas-3.

Samanatala, isa lamang sa hanay ng Navy Sailors  at  IEM Volley Mas­ters ang magpapatuloy ng laban sa Spikers’ Turf Reinforced Confe­rence matapos ang laro ngayon sa alas-5 ng hapon at ang mananalo ang siyang ookupa sa ikaapat at huling upuan sa semifinals.

Show comments