Elite nais sundan ang panalo vs Beermen

MANILA, Philippines – Nakamit ng Blackwater ang una nilang panalo sa Philippine Cup simula noong nakarang season matapos takasan ang Meralco noong Nobyembre 4.

Sa pagsagupa sa nagdedepensang San Miguel ay hindi sinasabi ni coach Leo Isaac na kaya rin nilang pataubin ang koponan ni back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.

“I’m not saying na we can beat San Miguel, but with this win kailangang-kailangan namin talaga eh,” sabi ni Isaac.

Target ang kanilang ikalawang sunod na panalo, lalabanan ng Elite ang Beermen ngayong alas-7 ng gabi matapos ang salpukan ng Talk ‘N Text at Meralco sa alas-4:15 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Ang banked shot ni Carlo Lastimosa sa hu­ling segundo ng laro ang naglusot sa 92-90 panalo ng Blackwater kontra sa Meralco.

Bukod kay Lastimosa, muli ring sasandalan ni Isaac sina Mike Cortez, JP Erram, Bambam Gamalinda at Reil Cervantes.

Ibabandera naman ng San Miguel, nakalasap ng 84-99 kabiguan sa Rain or Shine noong Nobyembre 4, sina Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter at Chris Lutz.

Sa unang laro, tatargetin naman ng Tropang Texters ang kanilang pa­ngalawang dikit na panalo sa pagsagupa sa Bolts.

Umiskor ang Talk ‘N Text ng 101-97 paggiba sa Mahindra noong Oktubre 31. 

Show comments