Laro sa Sabado 12:45 p.m. – PLDT vs Kia Forte
3 p.m. – Army vs UP
MANILA, Philippines – Tatlong manlalaro ng Army Lady Troopers ang nasa doble-pigura para pangunahan ang dominanteng 25-4, 25-12, 33-31 panalo sa Coast Guard Lady Dolphins sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 17 kills at dalawang blocks tungo sa 20 puntos si Jovelyn Gonzaga, habang 13 at 11 puntos ang ibinigay nina Remy Palma at Honey Royse Tubino para ilapit ang Army sa isang panalo tungo sa sweep sa elimination round.
May pitong puntos si Rossan Fajardo para pamunuan ang Lady Dolphins na tinapos ang kampanya sa 10-4 karta para mamaalam sa liga.
Hinawakan pa nila ang 30-29 set point ngunit sadyang mapait na kapalaran ang naghihintay sa kanila dahil naagaw pa ito ng multi-titled team sa pamamagitan ng magkasunod na atake nina Tubino at Palma.
Tinapos ng baguhang Kia Forte ang tatlong sunod na pagkatalo gamit ang 25-22, 19-25, 25-15, 25-19 tagumpay sa UP Lady Maroons sa ikalawang laro.
Si Carmina Aganon lamang ang nasa double-digits para sa Kia sa kanyang 15 puntos pero nakuha niya ang suporta nina Michiko Castañeda, Wenneth Eulalio, Shiela Pineda, Angelica Legacioin at Alexa Micek sa pinagsamang 32 puntos upang manatiling buhay ang paghahangad ng baguhang koponan ng puwesto sa semifinals sa kanilang 1-3 karta.