Air Force sa semis; PLDT wagi sa Navy

Laro sa Sabado (The Arena, San Juan City)

3 p.m.  IEM vs Sta. Elena

5 p.m. Cignal vs Navy

MANILA, Philippines – Inangkin ng Air Force Airmen ang 26-24, 25-22, 25-20 straight sets panalo sa Sta. Elena Wrecking Ball para kunin na ang isang puwesto sa semifinals sa Spikers’ Turf Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Ito ang unang laro ng ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera matapos ang panandaliang bakasyon bilang paggunita ng Araw ng mga Patay at nanatili ang magandang porma ng Airmen para sa ika-apat na sunod na panalo.

Si Ruben Inaudito ay mayroong 11 kills, 2 blocks at isang ace tungo sa 14 puntos pero nakuha niya ang suporta nina Reyson Fuentes, Rodolfo Labrador at Jeffrey Malabanan na naghatid ng 14, 9 at 9 puntos.

Ang setter na si Jessie Lopez ay mayroong 19 excellent sets bukod sa dalawang digs at isang puntos para lumapit ang Air Force sa isang panalo upang walisin ang limang laro sa single round elims.

Bumaba ang Sta. Elena sa 1-3 karta at tanging si Joel Camaganakan lamang ang nasa double-digits sa kanyang koponan sa 11 puntos upang malagay na sa alanganin ang hangarin ng baguhang koponan na lumaban pa para sa kampeonato ng liga.

Kumawala ng 51 kills ang PLDT Home Ultera Fast Hitters para kunin ang 25-22, 29-27, 25-14 straight sets tagumpay sa Navy Sailors sa ikalawang laro.

May 16 kills tungo sa 18 puntos si Mark Alfafara habang si Ron Jay Galang ay may 11 puntos at siyam dito ay mula sa pag-atake para pangunahan ang matin­ding opensa.

Si Peter Torres ay nag­hatid pa ng 10 puntos habang ang liberong si Gilbert Longavela ay mayroong 14 digs para ilapit ng Open Conference champion ang sarili sa semifinals sa 2-2 baraha.

Bumaba sa 1-2 karta ang Sailors at si Nur Amin Madsari ay mayroong 15 puntos para sa natalong koponan.

Show comments