MANILA, Philippines – Magsusukatan ang mga maiinit na koponan ng Philips Gold Lady Slammers at Foton Tornadoes habang aakyat pa ang nagdedepensang kampeon Petron Lady Blaze Spikers sa pagbabalik ng aksyon ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix volleyball tournament ngayon sa The Arrena sa San Juan City.
May 4-1 karta ang Lady Slammers at bitbit ang apat na sunod na panalo habang ang Tornadoes ay nanalo sa kanilang huling dalawang laro para sa 3-3 karta kaya’t inaasahang magiging kapana-panabik ang tunggalian na magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon.
Tinalo ng Philips Gold ang Foton sa unang pagtutuos noong Oktubre 25 na inabot ng limang set, 25-18, 26-24, 22-25, 23-25, 15-13 at kung maulit ito ay lalakas ang laban ng koponan para sa unang puwesto patungong semifinals sa ligang inorganisa ng SportsCore na handog ng Asics at Milo bukod sa ayuda ng Mikasa, Senoh at Mueller na ipinalalabas sa TV5.
Kakamada para sa Foton ang mga imports na sina Kathleen Messing at Lindsay Stalzer bukod pa kina Kayla Williams at 6’5 Jaja Santiago habang ang Philips Gold ay aasa sa kanilang dalawang matatangkad at mahuhusay na American imports na sina Bojana Todorovic at Alexis Olgard.
Samantala, ikaanim na panalo matapos ang walong laro ang hanap ng Petron laban sa Meralco Power Spikers sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi.
May iniingatan na three-game winning streak ang Lady Blaze Spikers at patuloy nilang aasahan ang pagganda ng laro ni Brazilian import Rupia Inck.