Nietes ayaw labanan si Gonzalez

Donnie Nietes

MANILA, Philippines – Taliwas sa pahayag ng ALA Boxing Promotions, mismong si Filipino world light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes ang ayaw labanan si ‘pound-for-pound’ king Roman “Chocolatito” Gonzalez ng Nicaragua.

Sinabi ni Gonzalez, ang kasalukuyang World Boxing Council flyweight title-holder, na nagkita sila ni Nietes, ang World Boxing Organization light flyweight king, sa Mexico para pag-usapan ang kanilang laban.

Subalit ayaw ni Nietes na makipag-usap kay Gonzalez.

“I honestly do not think he wants to,” wika ni Gonzalez sa panayam ng Boxingscene.com sa pagtanggi ng tubong Murcia, Negros Occidental na labanan siya.

“I met him in Mexico to talk about (a possible fight) and he didn’t want to,” dagdag ng 28-anyos na Nicaraguan na tumalo kay dating two-division titlist Brian ‘The Ha­waiian Punch’ Viloria noong Oktubre 17 sa New York City.

Sa press conference makaraan ang kanyang 12-round decision laban kay Mexican challenger Juan Alejo noong Oktubre 17 sa Carson, California ay sinabi niyang handa siyang sagupain si Gonzalez sa flyweight division.

Wala pang tumatalo kay Gonzalez sa kabuuan niyang 44 laban at sinasabing kaya niyang duplikahin ang record na 49-0-0 win-loss-draw ring record nina Floyd Mayweather Jr. at heavyweight great Rocky Marciano.

Nauna nang sinabi ng 33-anyos na si Nietes na plano niyang umakyat sa flyweight class para hamunin si Gonzalez.

Ngunit sa pinakahuling pahayag ni Gonzalez ay tila hindi seryoso si Nietes sa kanyang gustong gawin.

Kung ayaw siyang laba­nan ni Nietes ay target ni Gonzalez na muling makipagtuos kay Mexican Francisco Estrada, humahawak sa WBA at WBO flyweight titles.

Tinalo ni Gonzalez si Estrada via unanimous decision noong Nobyembre ng 2012.

Show comments