Aces, Enforcers mag-uupakan sa Dubai

MANILA, Philippines – Dalawang sunod na laro ang gagawin ng Alaska sa pagsagupa sa Mahindra at Barangay Ginebra sa pagbisita ng Philippine Basketball Association sa Dubai.

Kasalukuyang kasosyo sa liderato ng 2015 PBA Philippine Cup ang Aces mula sa kanilang 2-0 baraha matapos talunin ang Talk ‘N Text Tropang Texters at Blackwater Elite.

Muling ipaparada ni coach Alex Compton sina Vic Manuel, Jvee Casio, Chris Banchero, Sonny Thoss at Calvin Abueva.

Lalabanan ng Alaska ang Mahindra sa Biyernes kasunod ang Ginebra sa Sabado sa Dubai.

Magtutungo sa Dubai ang Aces, Enforcers at Gin Kings bukas.

Magpipilit na makabangon ang Ginebra mula sa 78-86 kabiguan sa Star at sa 79-82 pagyukod sa Barako Bull.

Dahil sa popularidad ng PBA sa Middle East ay pinaplano na ng nag-oorganisang Clique Events Co. ang pagdaraos ng ilang laro ng PBA Commissioner’s Cup.

Sa third conference ay bibisita naman ang PBA sa Taipei. May balak ang PBA na magdaos ng ilang laro sa Qatar at sa Saudi Arabia sa susunod na taon.

Nakapaglaro na ang local pro league sa Indonesia, Hong Kong at Guam.

Samantala, dadalhin naman ang Legends games sa Nov. 15-19 sa New Zealand na magtatampok kina Alvin Patrimonio, Ronnie Magsanoc, Benjie Paras, Kenneth Duremdes at Noli Locsin para sa ilang exhibition matches.

Show comments