MANILA, Philippines - Hindi na pahihintulutan ng Philippine SuperLiga (PSL) ang kanilang manlalaro na sumali sa ibang liga sa women’s volleyball.
Ito ay kung matutuloy ang plano na itali ang mga PSL players sa isang taon na kontrata.
Napag-iisipan ng mga kasaling koponan ang bagay na ito dahil sa pinaigting na kalendaryo para sa 2016.
Ang ipinaiiral ngayon ay per conference ang sahod ng mga manlalaro upang magkaroon pa sila ng pagkakataon na makapaglaro sa ibang liga.
Kailangang matiyak ng mga mother teams na sa kanila lamang maglalaro ang mga players dahil magiging tatlo ang kompetisyon sa indoor volleyball habang hindi bababa sa dalawa ang aksyon sa beach volleyball sa susunod na taon.
Sa Pebrero magsisimula ang PSL season sa isang invitational tournament habang ang unang opisyal na torneo ay ang All-Filipino Conference sa Hunyo.
Ang mga baguhan mula sa mga collegiate leagues sa UAAP at NCAA ay magpapakitang-gilas sa nasabing conference.
Ang Grand Prix na kinatatampukan ng mga mahuhusay na imports ay balak isulong sa bandang Oktubre.
May dalawang beach volleyball tournaments ang gagawin sa buwan ng Mayo at Disyembre.
Bukod sa mga local tournaments, magiging abala rin ang PSL sa hosting ng AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship at kung ibibigay, ang FIVB World Women’s Club Volleyball Championship.