Pinas kasama na sa 10 bidders

MANILA, Philippines – Matapos magsumite ang Samahang Basketbol ng Pilipinas ng letter of intent sa FIBA general headquarters sa Geneva noong Oktubre 16 ay pormal nang inihayag kahapon ng international basketball federation ang pagkakabilang ng Pilipinas bilang isa sa 10 bansang nagbi-bid para maging host ng Olympic Qualifying Tournament sa susunod na taon.

Maliban sa Pilipinas, ang iba pang nagnanais na pamahalaan ang isa sa tatlong Olympic qualifying ay ang Czech Republic, Germany, Greece, Iran, Israel, Italy, Mexico, Serbia at Turkey.

Pormal na ihahayag ng FIBA ang tatlong winning bidders sa FIBA board meeting sa Geneva sa Nobyembre 23.

Ayon sa FIBA, ang main evaluation criteria para madetermina ang magiging hosts ng Olympic qualifying ay ang player welfare, stakeholder experience, state-of-the-art facilities and infrastructure, legacy at commercial model.

Ang tatlong Olympic qualifiers ay magkakasabay na idaraos sa Hulyo 4-10, 2016 kung saan ang top teams mula sa tatlong torneo ang maglalaro sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.

Nabigo ang Pilipinas na maibulsa ang nag-iisang Olympic ticket nang matalo sa nagkampeong China sa gold medal round ng nakaraang 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China.

Bukod sa Pilipinas, maglalaro rin sa Olympic qualifier ang Iran at Japan.

Solidong suporta ang ibinigay ng Philippine Basketball Association sa SBP para palakasin ang Gilas Pilipinas ni coach Tab Baldwin nang magpahiram ng 17 players sa pangunguna ni back-to-back PBA Most Valuable Player June Mar Fajardo.

Ang iba pang mga sasabak sa nasabing wildcard competition ay ang France, Serbia, Greece, Italy at Czech Republic (Europe), Canada, Mexico at Puerto Rico (Americas), Angola, Tunisia at Senegal (Africa) at ang New Zealand (Oceania).

Show comments