MANILA, Philippines - Itinakda nina defending champion Gelita Castilo at Sarah Barredo ang kanilang semifinals showdown katulad nina Mariya Sevilla at Airah Albo sa Open women’s singles ng Bingo Bonanza National Open Badminton Tournament kahapon sa Glorietta 5 Atrium sa Makati City.
Tinalo ng third ranked na si Castilo ng UP si Shane Salvador, 21-11, 21-14, para plantsahin ang kanilang semis duel ng No. 2 seed na si Barredo, sumibak kay PBA-Smash mainstay Arianne Rivera, 21-11, 21-6.
Nauna nang pinatumba ni Castilo si Barredo, 21-17, 14-21, 21-19, para angkinin ang korona ng premier badminton championship noong nakaraang taon.
Binalikan naman ni Barredo si Castilo noong Hulyo nang kunin ang 21-15, 21-14 panalo at sikwatin ang FDG Cup title.
Nakatakda ang kanilang semis face-off bukas bukod pa sa Sevilla-Albo duel.
Humataw ang unranked na si Sevilla ng Maynilad-Allied/NVBA ng 21-10, 21-8 panalo laban kay Tricia Pomar, habang tinalo ng fourth seeded na si Albo ng PBA-Smash si Aldreen Concepcion, 21-8, 22-20.