MANILA, Philippines - Tuluyan nang winakasan ng National University ang 11-taong paghahari ng University of the East sa boys division sa pamamagitan ng come-from-behind 25-23, 23-25, 21-25, 25-18, 15-6 victory sa 78th UAAP boys’ high school volleyball championship sa Adamson University gym.
Bumangon ang Bullpups mula sa 1-2 set deficit sa likod nina Noel Kampton, Raymark Reyes at Allen Bacolor para talunin ang Junior Warriors.
Si Bacolor ang humataw ng championship-clinching service ace.
Nauna nang inangkin ng NU ang kanilang ikalawang sunod na girls volleyball crown.
Hinirang sina Kampton at Billie Jean Anima bilang Rookie of the Year at Best Blocker, ayon sa pagkakasunod. Kinilala naman si Shaun Ledesma ng UE bilang Season MVP at Best Scorer, habang ang kanyang mga kakamping sina Ralph Imperial at Marc Caballero ang kumuha ng Best Setter at Best Receiver honors, ayon sa pagkakasunod.
Samantala, sumandal ang University of Santo Tomas sa mga panalo nila sa team events para sikwatin ang tatlong gintong medalya at muling angkinin ang poomsae title sa taekwondo event kamakalawa sa Blue Eagle Gym.
Tinalo ng Tigresses’ women’s team nina Jocel Lyn Ninobla, Raisa Libiran at Jhoana Lyde Razon ang Far Eastern University at ang University of the Philippines para sa gold medal.
Ang men’s group nina Vidal Marvin Gabriel, Adrian Meynard Ang at Jerel Anthony Dalida ang bumigo sa UP at De La Salle para ibulsa ang gintong medalya.
Nag-ambag din ng gold para sa Tigers ang mixed pair nina Gabriel at Ninobla matapos biguin sina Rico Mella at Rinna Babanto ng Green Archers at sina Jay Buenavista at Janna Dominique Oliva ng Fighting Maroons.
Sumegunda sa UST ang 2014 champion na UP sa nakulimbat na 1 gold, 1 silver at 3 bronze medals kasunod ang La Salle (1-1-2).