Nietes lalabanan si Gonzalez sa tamang panahon

Sina (mula sa kaliwa) Mark Magsayo, Jason Pagara, Albert Pagara at Donnie Nietes matapos ang kanilang mga laban noong Linggo. Abac Cordero

CARSON, California – Bagama’t gustong hamunin ni Filipino light flyweight champion Donnie ‘Ahas’ Nietes si Nicaraguan flyweight king Roman “Chocolatito” Gonzalez, hindi pa ito kaagad mangyayari.

Ito ay dahil wala pang pormal na pag-uusap sa pagitan ng mga promoters nina Nietes at Gonzalez.

Matapos talunin ni Nietes si Mexican challenger Juan Alejo via unanimous decision noong Linggo ay binanggit ng 33-anyos na Filipino champion ang pangalan ni Gonzalez para sa susunod niyang laban.

Para mangyari ito ay kailangang umakyat si Nietes sa flyweight division kung saan naghahari ang 28-anyos na si Gonzalez.

“Gusto ko talaga si Roman Gonzalez. That will be a good fight,” wika ni Nietes.

Kung hindi niya kaagad makakalaban si Gonzalez ay maaari niyang hamunin si Juan Francisco Estrada.

Hindi pa natatalo si Gonzalez sa kabuuan niyang 44 laban na tinampukan ng 38 knockouts.

Siya ang iniluklok na bagong ‘pound-for-pound’ king makaraang magretiro si Floyd Mayweather, Jr.

Pinabagsak ni Gonzalez si Fil-American Brian Viloria, ang da­ting light flyweight at flyweight champion, sa ninth round sa kanilang upakan noong Linggo sa Madison Square Garden sa New York City.

Posibleng muling lumaban si Nietes sa Marso ng 2016 sa kanyang probinsya sa Bacolod City.

Huling lumaban ang tubong Murcia sa Bacolod no­ong 2010 at gusto ng kanyang mga fans na makita ang ka­nilang iniidolo.

Ang laban ni Nietes sa StubHub Center ay ang una niya sa US.

Dadalhin ang mga Pinoy Pride editions sa susunod na taon sa San Diego sa Abril, sa Los Angeles sa Hunyo, sa San Francisco sa Agosto at sa Carson sa Oktubre.

Inaasahang muling itatampok sa nasabing boxing card si Nietes at ang magkapatid na Albert at Jason Pa­gara pati na sina Mark Magsayo at Bruno Escalante, isang Filipino boxer na nakabase sa San Francisco at tu­malo kay Mexican Nestor Ramos.

Show comments