GENERAL SANTOS CITY, Philippines – Pinangunahan nina Milo Marathon Queen at SEA Games medalist Mary Joy Tabal at Milo Marathon veteran Juneil Languido ang 21-kilometer event ng National Milo Marathon qualifying leg dito.
Kapwa inangkin nina Languido at Tabal ang premyong P10,000 at tiket para sa 2015 National Milo Marathon Finals sa Disyembre 6 sa Angeles, Pampanga.
Ang hihiranging Milo Marathon King at Queen ay ipapadala sa Ameika para sa tsansang makalahok sa 2016 Boston Marathon.
Nagtala si Languido ng bilis na 01:14:04 para talunin sina Elmer Bartolo (01:16:47) at Gilbert Maluyo (01:20:42).
Naorasan naman si Tabal ng tiyempong 01:21:42 para iwanan sina Mona Liza Ambasa (01:35:03) at Noemu Andrea Galeos (01:52:44).
Ito ang ikatlong pagkakataon na naghari ang 31-anyos na si Languido sa General Santos City leg.
Muli namang pinatunayan ng 26-anyos na si Tabal ng Cebu ang kanyang dominasyon sa local marathon.
Hangad ni Tabal na maidepensa ang kanyang korona sa darating na Milo National Finals.