Nietes kampeon pa rin; 3 pang Pinoy boxers maningning ang US debut

Komunekta ng solidong kaliwa si Donnie Nietes sa mukha ni Juan Alejo ng Mexico sa kanilang laban. Jhay Otamias@Philboxing.com

MANILA, Philippines – Sa kanilang official weigh in ni Mexican challanger Juan Alejo ay walang ibinigay na prediksyon si Donnie ‘Ahas’ Nietes.

At sa halip ay nangako lamang siyang masisiyahan ang bawat manonood sa kanilang laban.

Bagama’t nabigong mapabagsak si Alejo ay napanatili pa ring suot ni Nietes ang kanyang World Boxing Organization light flyweight crown mula sa unanimous decision win kahapon sa StubHub Center sa Carson, California.

Nakakolekta si Nietes (37-1-4, 21 knockouts) ng Murcia, Negros Occidental ng 120-108, 119-109 at 119-109 puntos mula sa tatlong judges para sa kanyang panalo laban kay Alejo (21-4-0, 13 KOs) ng Guadalupe, Mexico.

Ito ang pang-walong sunod na matagumpay na pagdedepensa ng 33-anyos na si Nietes sa kanyang hawak na WBO light flyweight title.

Ilang body shots at uppercuts ang pinadapo ni Nietes kay Alejo sa fourth round bago napaputok ng Mexican ang kaliwang mata ng Filipino champion sa sixth round.

Ito ang lalo pang nagpainit kay Nietes na magkakasunod na nakakonekta ng right hand at left hook kay Alejo sa round seven.

Mula rito ay hindi na nakaporma si Alejo.

Samantala, umiskor din ng  panalo sina Filipino fighters Mark Magsayo at magkapatid na Jason at Albert Pagara.

Pinabagsak ni light welterweight Jason Pagara (37-2-0, 23 KOs) si Nicaraguan Santos Benavides (25-8-2, 19 KOs) sa 2:53 minuto ng second round, habang umiskor ang kanyang kapatid na si Albert (25-0-0, 18 KOs) ng sixth round knockout win kay William Gonzalez (27-6-0, 23 KOs) sa kanilang light featherweight fight.

Maaga namang tinapos ng featherweight na si Magsayo (12-0-0, 10 KOs) si Mexican Yardley Suarez (13-1-0, 8 KOs) sa first round.

Show comments