MANILA, Philippines – Bilang pagpapakita ng kanilang solidong suporta sa hangarin ng Gilas Pilipinas na makakuha ng tiket para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil ay magpupulong ang PBA board of governors ngayong araw.
Pag-aaralan ng PBA kung paano sila makakatulong sa Samahang Basketbol ng Pilipinas para sa inaasahang paglahok ng Nationals sa Olympic World Qualifier sa Hulyo ng 2016.
“Yes, we’re open to lending Gilas Pilipinas the players they want and we’re giving them the time to prepare for the Olympic world qualifier,” wika kahapon ni PBA Board chairman Robert Non ng San Miguel.
Bagama’t nabigong pagharian ang nakaraang 2015 FIBA World Championship sa Changsha, China ay nabigyan naman ng pagkakataon ang Gilas Pilipinas na makapaglaro sa 2016 Rio Olympics.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang paglahok sa isa sa tatlong Olympic World Qualifier kung saan tatlong puwesto lamang ang nakalaan para sa 2016 Rio Games.
May hanggang Linggo na lamang ang SBP para magdesisyon kung sasali o hindi sa nasabing torneo.
Kung hindi lalahok ang Gilas Pilipinas ay mahaharap sa kaparusahan ang SBP mula sa International Basketball Federation (FIBA).
Kamakailan ay ipinaramdam ni SBP president Manny V. Pangilinan na mas mabuting hindi na lamang niya isali ang Nationals sa Olympic World Qualifier kung hindi rin lamang sila pahihiramin ng mga PBA teams ng players.
Sinabi pa ni Pangilinan na handa siyang isabak ang Talk ‘N Text kung hindi mapagbibigyan ng PBA ang kanyang pakiusap.