MANILA, Philippines – Handa ang Manila North na harapin ang matinding hamon mula sa ibang malalakas na koponan na lalaro sa FIBA 3x3 World Tour Final na gagawin mula Huwebes at Biyernes sa Abu Dhabi.
Nakuha ng Manila North ang k arapatang katawanin ang Pilipinas sa torneo nang pumangalawa sila sa Novi Sad sa Manila Leg noong Agosto.
Ang Gilas Pilipinas member na nanalo ng pilak sa FIBA Asia sa Changsha, China na si Calvin Abueva ay makikipagtulungan uli kina Troy Rosario, Vic Manuel at Karl Dehesa para sikaping makapagtala ng upsets kontra sa mga koponang mula US, Brazil, Lithuania, Slovenia, Poland, Qatar at United Arab Emirates.
Muntik pa ngang magkaroon ng problema ang koponan dahil unang nagsabi si Manuel na hindi na sasama dahil sa problema sa pamilya pero binawi rin niya ito.
“We looked for a replacement for two days and we couldn’t find one,” wika ni SBP executive director Sonny Barrios. “I’m glad Vic reconsidered, putting into consideration the fact that he’s not just playing for himself or his ball club but the country.”
Ang koponan ay umalis na kagabi patungong Abu Dhabi.
Ito ang ikalawang sunod na pagkakataon na may koponan mula Pilipinas na nasa World Tour Final.
Noong nakaraang taon ay sina Terrence Romeo, KG Canaleta, Aldrech Ramos at Rey Guevarra ang kumatawan sa Manila West nang pangunahan ang Manila leg.