Laro Sabado (The Arena, San Juan City) (V-League)
12:45 p.m Coast Guard vs Navy (Spikers’ Turf)
3 p.m. Sta. Elena vs PLDT Home Ultera
5 p.m. Cignal vs Air Force
MANILA, Philippines – Agad na nakitaan ng mabangis na paglalaro ang PLDT Home Ultra Fast Lady Hitters at Army Lady Troopers nang madali nilang pinataob ang hamon ng mga nakalaban sa pagpapatuloy kahapon ng Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Ang baguhan sa koponan na si Janine Marciano at Lou Ann Latigay ay gumawa ng 13 at 12 puntos para pamunuan ang Open Conference champion Fast Hitters sa 25-10, 25-11, 25-20 straight sets tagumpay sa Philippine Coast Guard Lady Dolphins.
Nagsanib sa 20 kills sina Marciano at Latigay para hawakan ang 41-18 bentahe sa attack points habang si Marciano at ang dati niyang kakampi sa Cagayan na si Aiza Pontillas ay nagsanib sa limang aces tungo sa 8-4 bentahe pa ng PLDT.
Sampung manlalaro pa lamang ang nasa koponan ni coach Roger Gorayeb at lalakas pa sila dahil sa napipintong paglalaro uli nina Alyssa Valdez at Grethcel Soltones bukod sa pagdating ng kanilang imports.
“Halos kabubuo lang ang team kaya may kulang pa,” wika ni Gorayeb na balak sungkitin ang ikatlong sunod na titulo sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s at handog ng PLDT Home Ultera.
Ang inaasahang matinding kalaban--ang Lady Troopers ay nagparamdam din ng kanilang puwersa sa 25-15, 25-18, 25-11 tagumpay kontra sa baguhang Kia Forte.
Ang mga beteranang sina Jovelyn Gonzaga at Nerissa Bautista ay naghatid ng 12 at 10 puntos habang ang mga baguhan tulad nina Remy Palma at Honey Royse Tubino ay nagsanib sa pitong puntos sa limitadong paglalaro.
Determinado ang Army na makabawi sa PLDT matapos angkinin ang kampeonato sa katatapos lang na AFP Olympics.
Ang UP ay naunang nanalo sa Navy Lady Sailors noong Sabado para magkaroon ng tatlong koponan na may 1-0 baraha at tatlong teams na may 0-1 karta.