MANILA, Philippines - Pangungunahan ng nagdedepensang Petron Lady Blaze Spikers ang paghahangad ng unang panalo sa pagsisimula ng 2015 Philippine SuperLiga (PSL) Grand Prix ngayon sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Kalaban ng Lady Blaze Spikers ang Cignal HD Lady Spikers sa ganap na ala-1 ng hapon at tiniyak ni Petron coach George Pascua na gagawin nila ang lahat para matagumpay na maidepensa ang titulo tungo sa pangatlong sunod na titulo sa liga.
“Kumpleto ang tao ko at walang nabago sa mga locals. Kaya gagawin namin ang lahat para maidepensa ang aming title,” ani Pascua.
Bumalik sa koponan ang Brazilian setter na si Erica Adachi at makakasama si Rupia Inck Furtado bukod pa sa mga subok nang locals na sina Dindin Manabat, Rachel Anne Daquis at Aby Maraño para manatiling solido ang kanilang puwersa.
Hinugot naman ng Cignal sina Amanda Anderson at Ariel Usher para sikaping bigyan ng magandang laban ang Petron.
Masisilayan din ang buti ng pagkuha sa mahuhusay na manlalaro ng La Salle para isama kay Cha Cruz at Stephanie Mercado bukod pa sa imports na sina Liis Kullerkann at Christina Alessi sa pagbangga sa Foton Tornadoes sa ikalawang laro sa alas-3 ng hapon.
Bago ito ay makulay na pagtataas ng telon ang masisilayan sa ganap na alas-12 ng tanghali at magiging panauhing pandangal ang FIVB executive board member na si Stav Jacobi na dumating ng bansa kahapon.
Dadalo rin si Biñan Mayor Len Alonte at PSL president Ramon “Tats” Suzara sa seremonya. (AT)