MANILA, Philippines - Nakita uli ang matalim na laro ng Letran tungo sa 93-64 paglampaso sa Perpetual Help at hawakan ang ikalawa at huling twice-to-beat advantage sa pagtatapos ng elimination round ng 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Pinag-start sa unang pagkakataon sa season si Mark Cruz at agad siyang tumugon sa paghatid ng pitong puntos para ibigay sa Knights ang 21-10 lead.
Nag-init pa si Kevin Racal sa ikalawang yugto at sila ni Cruz ay nagtambal sa 26 puntos na siyang naiskor ng Altas sa first half para sa 50-26 kalamangan.
Tumapos si Cruz taglay ang 18 puntos, si Racal ay mayroong 15 habang sina McJour Luib at Rey Publico ay naghati ng 20 puntos para sa Knights na tinablahan ang nangungunang karta ng 5-time defending champion San Beda Red Lions sa 13-5.
“We knew the importance of this game that’s why we played aggressive basketball,” wika ni Letran coach Aldrin Ayo.
Ang dalawang nangungunang koponan ay magtutuos sa Martes sa playoff para sa number one seeding na siyang makakalaban ng number four seed na paglalabanan pa rin.
Tinalo ng Jose Rizal University Heavy Bombers ang San Sebastian Stags, 91-69, habang dinurog rin ng host Mapua Cardinals ang Emilio Aguinaldo College Generals, 88-63 upang wakasan ang elimination round katabla ang pahingang Arellano Chiefs sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa 12-6 marka.
Pinalad pa ang Heavy Bombers na nagkaroon ng pinakamataas na quotient sa +20 para makapuwesto na sa semifinals.
Ang pumangalawa noong nakaraang taon na Chiefs (-20) at Cardinals (-1) ang sasabak sa knockout game sa Martes at ang mananalo ang ookupa sa huling upuan sa Final Four.
Isa pang playoff ang gagawin sa magwawagi sa Arellano at Mapua laban sa Heavy Bombers para sa ikatlo at ikaapat na seeding.
Ang Altas ay natalo sa ikatlong sunod para tumapos taglay ang 11-7 baraha at mamaalam na sa liga.