MANILA, Philippines – Mula sa professional basketball ay sasali na rin ang Kia sa volleyball tournament.
Si Oliver Almandro, ang national at Ateneo men’s team coach ang gigiya sa Kia na tatampukan ng mga dating players ng Cagayan Valley Rising Suns squad sa pangunguna nina Angeli Tabaquero, Chie Saet, Wenneth Eulalio at Fil-Am Alexa Micek.
Sasakyan ng Shakey’s V-League ang matagumpay na pagdaraos ng katatapos na Collegiate Conference sa pagtatakda ng season-ending Reinforced Conference sa Sabado.
Bukod sa Kia, ang iba pang bumubuo sa six-squad conference ay ang Open Conference champion na PLDT, ang 2014 Reinforced Conference runner up na Army, University of the Philippines, Navy at Coast Guard.
Hindi naman lalahok ang Cagayan Valley, ang 2014 third conference titlist.
Ipaparada ng PLDT sina Collegiate Conference MVP Alyssa Valdez, 2014 MVP Aiza-Maizo Pontillas, NCAA MVP Gretchel Soltones, Jannine Marciano at sina top-notch setters Rubie de Leon at Jem Ferrer.
Ibabandera naman ng Army sina Rachel Ann Daquis, Jovelyn Gonzaga, Aby Maraño, MJ Balse, Nerissa Bautista at setter Tina Salak.
Winalis ng Cagayan Valley Rising Suns ang Lady Troopers, kumuha ng dalawang Open titles, sa nakaraang championship series at tinalo ng PLDT Home Ultera sa Open Conference finals.
Dahil sa naturang mga kabiguan sa finals ay inaasahang mas lalong magiging determinado ang Army, itatampok din sina Patricia Siatan-Torres, Joanne Buñag, Genie Sabas, Remy Joy Palma, Angela Nunag, Honey Royse Tubino, Christine Agno at Sarah Jane Gonzales, ni coach Emil Reyes na kunin ang korona ngayong season.