MANILA, Philippines – Winalis ng San Beda Red Cubs ang double-round elimination para dumiretso sa finals ng 91st NCAA high school basketball tournament.
Pinatumba ng Red Cubs ang Letran Squires, 76-67, para iposte ang 18-game sweep kamakalawa ng gabi sa The Arena San Juan City.
Dahil sa kanilang pag-entra sa finals ay may pagkakataon ang Red Cubs na targetin ang kanilang pang-pitong sunod na korona.
Sumandig ang Red Cubs relied kina Joshua Tagala, John Lagumen at Eduardo Velasquez na kumamada ng 14, 13 at 11 points, ayon sa pagkakasunod, para gibain ang Squires.
Mula sa malamyang first period ay inilayo ng Red Cubs ang sarili sa Squires sa halftime, 36-28.
Ang kanilang atake sa third quarter ang tuluyan nang nagbigay sa kanila ng ika-18 sunod na panalo.
“We had a slow start but our bench stepped up to help us turn things around,” sabi ni Red Cubs’ coach JB Sison.
Si Sison ang tumulong sa Red Cubs na makuha ang dalawa sa anim na titulong inangkin.
Sa finals ay kailangan lamang ng Red Cubs na manalo ng dalawang beses para tuluyan nang sakmalin ang kanilang pang-pitong sunod na korona.
Inamin ni Sison na hindi nila hinangad ang sweep.
Ang huling finals slot ay pag-aagawan naman ng No. 2 Mapua (15-3), No. 3 Arellano (12-6), Lyceum of the Philippines at La Salle-Greenhills.
Maglalaro ang Lyceum at LSGH sa sudden death match para sa No. 4 seat sa stepladder semifinals.