MANILA, Philippines – Inaasahang tatalakayin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang plano para sa paghahabol sa tiket sa 2019 FIBA World Cup .
Maaari ring pag-usapan ng SBP Board ang desisyon kung ipapadala ang Gilas Pilipinas o hindi sa Olympic World Qualifier sa Hulyo ng susunod na taon.
Nabigo ang Nationals na masikwat ang nag-iisang silya para sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janerio, Brazil nang matalo sa nagkampeong China sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha.
Nauna nang nagpulong sina SBP president Manny V. Pangilinan at chairman Oscar Moreno kasama ang mga board members limang araw matapos matalo ang Gilas Pilipinas sa China.
Sa pag-angkin sa silver medal ng nasabing Asian meet ay nakakuha ang bansa ng puwesto para sa Olympic World Qualifier.
Kamakailan ay sinabi ni Pangilinan na hindi na isasalang ng SBP ang Nationals sa naturang Olympic Qualifier dahil sa mas bigating koponan na kalahok.
Mas gusto ni Pangilinan na paghandaan ang qualifying tournament para sa 2019 FIBA World Cup na pamamahalaan ng China.