Tumigil ang mundo kagabi. Wala ring trapik sa mga kalsada. Lahat ay nagkukumahog na umuwi para lamang mapanood ang laban ng Gilas Pilipinas sa finals ng FIBA Asia Championships kontra sa China. At hindi naman nadismaya ang lahat.
Maaaring talo ang Gilas Pilipinas sa China, pero sa inilaro ng Pambansang koponan ay masasabing ibinigay nila ang lahat. May mga nagsasabing kinulang sa depensa at mayroon din namang nagsasabi na nagkaroon ng mga dirty tactics ang China, pero ang importante ay hindi nawalan ng loob ang ating mga manlalaro.
Higante at talaga namang malalaki ang katawan ng Chinese Nationals kaya nga pinili ni coach Baldwin na isalang muna ang mga maliliit na manlalaro ng Gilas upang daanin sa bilis ang laban. Pero, maging ako ay napailing na rin lamang dahil kahit malalaki ay mabilis ang Chinese.
Binabati pa rin natin ang Gilas sa kanilang mahusay na inilaro. Gumuhit na rin sila ng kasaysayan at maging sa ating mga puso ay nakaukit na rin ang kanilang mga pangalan.
At kapag ganitong nasabi na ang lahat, ano na ang susunod para sa kinahuhumalingang laro ng bansa? Noon pa man ay sinasabi na kinakailangan nang repasuhin nang masinsinan ang programa natin sa basketball.
Kung tutuusin at base na rin sa mga reaksyon ng ilang propesyunal na koponan sa PBA, hindi pa rin natin nayayakap nang totohanan ang sinasabing open policy sa basketball. Sa tuwing magkakaroon ng ganitong situwasyon (at ilang beses na iyon), lagi nating isinisigaw na papaglaruin ang mga propesyunal nating mga manlalaro. Ang bagay na ito ay dapat nang baguhin.
Suriin natin ang China. Ilang taon pa bago ang FIBA Games at Jones Cup ay binubuo na nila ang kanilang mga manlalaro. Isinasabak na nila sa mga torneo at kompetisyon upang mahasa ang mga ito. Hindi na baleng sa mga unang laban ay talo sila ang importante pagdating ng kinakailangang pagkakataon ay hindi sila bibigay.
Ganyan din ang gawain ng ibang mga bansa. Pero tayo, kung kailan kailangan na at kung minsan nga ay naglalaro na, saka pa lamang tayo bubuo ng koponan. Hilig natin sa rush.
Tularan natin ang ibang mga bansa. Naghahanda na agad.