MANILA, Philippines – Blinangko ng nagdedepensang University of the Philippines ang University of the East, 5-0, para sikwatin ang unang semifinals berth sa 78th UAAP women’s badminton tournament sa Rizal Memorial Badminton Hall.
Dinispatsa ni Paola Bernardo si Heide Rosal, 21-3, 21-7, sa unang singles, habang tinalo ni 2014 top rookie Mary Ann Marañon si Lyra Rosal, 21-7, 21-5, sa ikalawang singles.
Tuluyan nang inangkin ng UP, nagdadala ng 5-0 baraha, ang unang semis ticket nang manalo ang doubles tandem nina MVP Jessie Francisco at Eleanor Christine Inlayo laban kina Erycka Labay at Pamela Fernandez, 21-7, 21-10.
Dinaig nina Marina Caculitan at Ann Jeline Masongsong sina Heide at Lyra Rosal, 21-19, 19-21, 21-11, sa ikalawang doubles bago iginupo ni Inlayo si Labay, 21-4, 21-11, sa pangatlong singles event para kumpletuhin ang pagwalis ng Lady Maroons sa Lady Warriors (0-5).
Lumapit ang De La Salle at Ateneo sa dalawang silya sa semis.
Tinalo ng Lady Archers (4-1) ang Adamson (1-4), 5-0, habang pinamunuan ni MVP Bianca Carlos ang Lady Eagles (4-1) sa 4-1 paggiba sa National University (1-4).