MANILA, Philippines – Nagbunga ang magandang pagtutulungan ng Ateneo Blue Eagles para magkaroon ng makinang na kampanya sa Spikers’ Turf Collegiate Conference.
Hindi natalo ang Blue Eagles matapos ang 13 laro at hiniya nila sa finals ang National University Bulldogs na siya rin nilang karibal sa UAAP.
Si Marck Espejo ang lumutang para sa Ateneo upang ipakita na mahihigitan niya ang larong nasilayan nang dinomina ng Blue Eagles sa UAAP sa 77th season.
Binigyan naman ng kredito ni Espejo ang mga kakampi kung bakit gumanda ang laro at nakuha ang MVP title.
“Hindi ko magagawa ito kung ako lang at ang mga parangal na nakuha ko ay dahil na rin sa mga teammates ko at coach,” wika ni Espejo.
Sa Pebrero pa hahataw ang UAAP men’s volleyball pero ngayon pa lamang ay ipinalalagay nang paboritong magkampeon ang Ateneo matapos ang ipinakita sa Spikers’ Turf.