Laro sa Linggo (The Arena, San Juan City)
12:45 p.m. Ateneo vs NU
MANILA, Philippines – Kinumpleto ng Ateneo Eagles ang makasaysayang 12-0 sweep sa Spikers’ Turf Collegiate Conference nang daigin ang National University Bulldogs sa apat na sets, 25-23, 25-21, 38-40, 25-19 kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Si Marck Espejo ay gumawa ng 18 kills at tatlong aces tungo sa 24 puntos para tulungan ang Eagles na makapagdomina sa attack at serve department para magkampeon sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng PLDT Home Ultera.
Si Rex Intal ay naghatid pa ng 16 puntos at isa lamang ang hindi ginawa sa pag-atake para kunin ng Eagles ang 67-55 kalamangan sa spike.
May limang aces pa sila laban sa isa ng Bulldogs para maisantabi ang 8-10 pabor sa blocks sa NU at ang pagkakaroon ng 37 errors sa labanan.
Nanguna sa NU si Bryan Bagunas sa kanyang 22 puntos pero hindi nila natapatan ang mas maigting na paglalaro ng Ateneo sa mahahalagang puntos na pinaglabanan para malagay sa ikalawang puwesto.
Ang kampeonato ng Eagles ang pumawi sa kabiguang hablutin ng Lady Eagles ang titulo sa Shakey’s V-League nang natalo sila sa Lady Bulldogs, 25-22, 25-17, 25-17 iskor.
Nagbalik si Dindin Manabat at nagtala ng limang blocks tungo sa 12 puntos habang si Myla Pablo at Jaja Santiago ay may 12 at 13 puntos at nagsanib sa 20 attack points tungo sa 35-28 agwat sa Ateneo.
Ang limang blocks ni Santiago ay higit sa tatlo na ginawa ng katunggali habang ang setter na si Rubie de Leon ay mayroong limang aces habang apat ang ibinigay ni Santiago para sa 11-3 dominasyon sa serve game.
Magtutuos pa sa Linggo ang Ateneo at NU at ang mananalo ang siyang mag-uuwi ng titulo sa ligang suportado ng Shakey’s. (AT)