MANILA, Philippines – Dumating na sa bansa ang ilang imports na maglalaro sa 2015 Philippine SuperLiga Grand Prix na magsisimula na sa Oktubre 10 sa Alonte Sports Arena sa Biñan, Laguna.
Sina Brazilian imports Erica Adachi at Rupia Inck ang nangunguna sa mga maagang dumating para sa nagdedepensang kampeon Petron dahil nakasama sila ng koponan na tumapos sa ikawalong puwesto sa AVC Asian Women’s Club Volleyball Championship sa Vietnam.
Nasa bansa na at nag-eensayo si Ariel Usher ng Cignal bukod pa kina Liis Kullerkann at Christina Alessi ng Meralco.
Isang 6’1 si Usher na dating pambato ng University of Portland at makakapareha niya ang isa pang US player na si Amanda Anderson.
Sina Kullerkann at Alessi ay pinarating agad para magkaroon ng sapat na oras na magamayan ang istilo ni coach Ramil de Jesus na maghahangad na wakasan ang tatlong sunod na pangalawang puwestong pagtatapos sa liga.
Matikas ang line-up ng Meralco dahil makakasama nina Cha Cruz at Stephanie Mercado ang mga kasapi ng La Salle Lady Archers tulad nina Mika Reyes at Kim Fajardo.
Ang mga darating pa lamang na mga reinforcements ay sina Bojana Todorovic at Alexis Olgard ng Philips Gold, Katie Messing at Lindsay Stalzer ng Foton at Lynda Morales at Sarah McClinton ng RC Cola-Air Force.