Nasa Changsha, China na ang Gilas Pilipinas para sa FIBA Asia Championship.
Malaki ang premyo ng champion team: ang puwesto sa 2016 Rio Olympics. Yan ang target ng lahat, lalu na ang Gilas.
Nung 1972 pa huling nakalaro ang Pilipinas sa Olympics. Nararapat lang na makabalik na tayo dun matapos ang 43 years.
Mabigat at madugo ang laban sa Changsha. Nandyan ang defending champion Iran at ang China at South Korea.
Pero hindi naman ito mission impossible.
Lalu na at kasama sa lineup ngayon ng Gilas si Andray Blatche.
Nung ganapin ang FIBA Asia Championship sa MOA Arena nung 2013, runnerup ang Gilas sa Iran na pinangunahan ng higanteng si Hamed Haddadi.
Wala tayong naitapat kay Haddadi. Hindi kinaya ni Marcus Douthit.
Hindi naman nagkita si Haddadi at Blatche, isang NBA veteran, sa FIBA World Cup sa Spain last year dahil magkalayo ng bracket ang Gilas at Iran.
Ngayon sila magtatagpo.
Marami na ang nagsabi na si Blatche ang magdadala ng Gilas sa Changsha. Nasa kanya ang pag-asa kung kakayanin ng Gilas mag-champion.
Ngayon ang simula ng labanan at puwede natin tawaging warm-up ang unang laro ng Gilas kontra Palestine bago tayo mananghalian lahat.
At bukas, haharapin ng Gilas ang Hong Kong at wala dapat maging problema rito.
Sa Biyernes naman ay Kuwait ang kalaban. Mahaba ang labanan at pahirap ng pahirap.
Sa quarterfinals, talo-uwi na.
Tingnan natin kung hanggang saan aabot ang Gilas. Ang importante ay makarating tayo sa semis.
Dun na magkaka-alaman.
May the best team win.