MANILA, Philippines – Dinurog ng Perpetual Help Altas ang Emilio Aguinaldo College Generals, 89-59, habang tinalo ng San Sebastian Stags ang San Beda Red Lions, 98-92, para gumulo pa ang labanan sa unang dalawang puwesto sa 91st NCAA men’s basketball kagabi sa The Arena sa San Juan City.
Kinamada ni Earl Scottie Thompson ang kanyang ikapitong triple-double sa season sa kanyang 10 puntos, 14 rebounds at 13 assists para sa Altas na nakitaan ng ibayong enerhiya sa second period para sa kanilang ika-11 panalo sa 15 laro.
“Hindi naman nakakagulat. Pero sinasabi ko sa kanya na hindi mahalaga sa akin kung hindi siya maka-triple-double basta manalo ang team,” ani Altas coach Aric del Rosario.
Si Gerald Dizon ay mayroong career-high na 18 puntos at siya ang sinandalan para lumayo ang Altas ng siyam na puntos sa halftime, 39-30.
Ika-13 pagkatalo ito laban sa dalawang panalo ng Generals na isinelebra ang isang taon na anibersaryo sa rambulan nila ng Mapua sa isa pang sakitan.
Sinasabing pinagtulungan nina Sidney Onwubere at at Faustine Pascua si Nikolo Cabiltes ng Altas nang nasa labas na ng venue ang dalawang koponan.
Nauna rito ay nagtulakan at nagkairingan sina Cabiltes, Pascua at isa pang EAC player na si Enjenrico Diego para mapatalsik sila sa 1:38 ng labanan.
Tiyak na may kaparusahan tatanggapin sina Cabiltes, Pascua at Onwubere sa ginawa.
Sinuwerte pa ang Altas dahil tinalo ng Stags ang Red Lions, para makasalo sa liderato ang 5-time defending champion at pahingang Letran Knights.
Si Bradwyn Guinto ay mayroong 26 puntos, 9 rebounds, 4 assists at tig-isang steal at block at ang talsik ng Stags ay nanalo sa ikalawang sunod na pagkakataon para sa 5-10 baraha.
Perpetual Help 89 – Dizon 18, Eze 11, Thompson 10, Akhuetie 9, Dagangon 9, Coronel 8, Oliveria 7, Tamayo 6, Gallardo 5, Ylagan 2, Bantayan 2, Sadiwa 2.
EAC 59 – Mejos 13, General 11, Onwubere 8, Hamadou 8, Diego 7, Pascua 6, Munsayac 5, Bonleon 1.
Quarterscores: 14-12; 39-30; 64-41; 89-59.
San Sebastian 98 – Guinto 26, Calisaan 21, Fabian 16, Ortuoste 13, Bulanadi 10, Costelo 7, Pretta 5, Santos 0.
San Beda 92 – Dela Cruz 30, Adeogun 17, Tankoua 10, Amer 9, Soberano 8, Mocon 7, Sorela 4, Presbitero 3, Koga 2, Tongco 2, Reyes 0.
Quarterscores: 28-23; 49-45; 73-74; 98-92.