MANILA, Philippines – Pupuntiryahin ng Far Eastern University ang solong liderato, samantalang tatargetin ng National University ang kanilang ikalawang sunod na panalo matapos ang 0-3 panimula.
Lalabanan ng Tamaraws ang University of the East Red Warriors ngayong alas-2 ng hapon bago ang salpukan ng nagdedepensang Buldogs at bumubulusok na Adamson Falcons sa alas-4 sa 78th UAAP men's basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Kasalukuyang magkakatabla sa unahan ang FEU, University of Sto. Tomas at Ateneo De Manila University sa magkakapareho nilang 3-1 baraha.
Matapos talunin ang La Salle Green Archers, 93-75, noong Setyembre 13 ay pinadapa naman ng Tamaraws ang University of the Philippines Fighting Maroons, 75-58, noong Linggo.
“Mahirap na isang tao lang ang nag-i-score ng 26, 29, 25 (points), tapos 'yung iba, nagiging palamuti na lang doon,” sabi ni FEU coach Nash Racela sa kinamada nina Mike Tolomia (11 points), Raymar Jose (11 points), Achie Iñigo (10 points) at Roger Pogoy (10 points) sa kanilang panalo laban sa UP.
“I think, over the years, that's something that we have developed.”
Matapos namang buksan ang torneo mula sa 2-0 record ay dalawang sunod na kabiguan ang nalasap ng Red Warriors ni mentor Derrick Pumaren.
Nanggaling ang UE sa 72-77 pagyukod sa Ateneo noong nakaraang Sabado.
Tinapos naman ng NU ang kanilang tatlong sunod na kamalasan nang takasan ang UST, 55-54, noong Sabado, habang natikman ng Adamson ang ikaapat na dikit nilang pagkatalo kontra sa La Salle, 71-88, noong Linggo.