Sa FIBA Asia Championship Gilas puntirya na ma-sweep ang Group B

MANILA, Philippines – Ngayon pa lamang ay hinahangad na ng Gilas Pilipinas na dominahin ang kanilang mga laro sa group plays papasok sa krusyal na yugto ng  2015 FIBA Asia Championship na magsisimula sa Miyerkules sa dalawang playing venues sa Changsha, China.

Inaasahang tatalunin ng Team Phl ang Palestine sa Miyerkules, ang Hong Kong sa Huwebes at ang Kuwait sa Biyernes sa Group B competition.

Ang top three sa Group B ang makakatapat ng top three sa Group A, binubuo ng Iran, Japan, India at Malaysia, sa susunod na round.

Matapos ito, ang top four naman ang papasok sa knockout stage kontra sa top four sa hanay ng China, South Korea, Singapore, Jordan, Qatar, Chinese Taipei, Kazakhstan at Lebanon.

Ang koponang magkakampeon sa Oktubre 3 ang makakakuha sa nag-iisang automatic Asian spot para sa 2016 Rio de Janeiro Olympic Games.

“The reality is, without to sound in any way arrogant, we understand that the first pool that we have is not the top teams in Asia. The horror story would be if we get complacent, relax and treat those as scrimmages,” sabi ni Gilas coach Tab Baldwin.

Ayon pa kay Baldwin, mahalagang madomina ng Nationals ang mga laro sa preliminaries para mapa­lakas ang kanilang loob.

Ang Palestine, Kuwait at Hong Kong ay wala sa Top 10 sa FIBA Asia Power Ranking.

Maaaring makaharap ng Gilas Pilipinas sa mahalagang yugto ng torneo ang Iran, Japan at India.

Kailangan nilang manalo ng dalawang laro para makuha ang No. 2 spot sa kanilang grupo at makalaban ang No. 3 qualifier mula sa kabilang grupo.

Kung mawawalis naman nila ang preliminaries ay magiging top seed sila sa kanilang grupo at makakaharap ang No. 4 seed buhat sa kabila.

Sa quarterfinals, ang simula ng knockout stage, ang China ang magiging pinakamapanganib na kala­ban dahil sa bitbit nitong home court advantage. (NB)

Show comments