MANILA, Philippines - Walang naging problema ang top seed at nagdedepensang si Patrick John Tierro sa kanyang unang laro matapos angkinin ang 8-3 panalo laban kay qualifier Renz Lapating sa pagsisimula ng 34th Philippine Columbian Association (PCA) Open-Cebuana Lhuillier Wildcard Tournament kahapon sa bagong kumpuni na PCA clay courts sa Plaza Dilao, Paco, Manila.
Dahil sa dami ng sumali, ang main draw ay kinatatampukan ng 128 netters kaya’t race-to-eight ang gaganaping aksyon sa first at second round.
“Ok lang ang ipinakita ko. Mas malaki ang at stake, iba na ang court at one to eight ang format sa first two rounds kaya may pressure rin,” wika ng 6’1 at 29-anyos na si Tierro na haharapin si Ken Phillip Pardela na tinalo si Francis Segumpan, 8-5.
Ang kompetisyong magtatagal hanggang Setyembre 27 ay isa ring qualifying tournament para sa 2015 Manila International Tennis Federation (ITF) Men’s Futures Leg 2 mula Oktubre 13 hanggang 18 sa nasabing palaruan.
Ang finalists sa PCA Open na suportado ng Cebuana Lhuillier, Puma, Dunlop, Philippine Star, Head, Babolat, Compass/IMOSTI at Sarangani Rep. Manny Pacquiao, Whirlpool/Fujidenzo, Broadway Motor Sales Corp. Coca-Cola Fesma Philippines, Tyrecorp Incorporated, Pearl Garden Hotel, Metro Global Holdings Corporation ay papasok na sa main draw ng ITF tournament.
“Wala naman akong inilalagay na expectations sa sarili ko kasi kagaya last year maraming magagaling ang kasali. I just want to play my game and let’s see,” dagdag pa ni Tierro.
Nangunguna sa inaasahang makakaribal ni Tierro ay ang second seed at 6-time champion na si Johnny Arilla, fourth seed at number one junior player na si Alberto Lim Jr. at dating Australian Junior Open doubles champion na si Francis Casey Alcantara.
Ang mga ito ay magbubukas ng kampanya ngayon at kalaban ni Arcilla si Laurence Joy Odbina, si Lim ay mapapalaban kay Rey Mayo at si Alcantara ay haharapin si Dale Gorospe.
Kung magsisipanalo ay babalik uli sa court ang mga seeded players para sa kanilang second round matches.
Ang PCA Court ay dating shell court na ginawang clay court para mas bumagal ang takbo ng bola, isang bagay na dagdag hamon para sa nagdedepensang kampeon.
“Ayaw ko ng slow court pero hindi ko naman puwedeng baguhin ang laro ko. Tingnan na lang natin,” dagdag pa ni Tierro na kasapi rin ng Davis Cup team tulad ni Alcantara.