MANILA, Philippines - Ipinagpatuloy ni Warren Kiamco ang magandang ipinakikita sa 2015 World 9-Ball Championship sa Al Arabi Sports Club sa Doha, Qatar nang pataubin niya si Jalal Yousef ng Venezuela, 11-7 sa round-of-32 kahapon.
Kontrolado ni Kiamco ang race-to-11 match para magkaroon ng selebrasyon ang delegasyon ng Pilipinas na nalagasan pa ng dalawang manlalaro sa mga naunang laro sa yugtong ito.
Hindi nakabawi si dating world number one player Carlo Biado sa 9-11 pagkatalo kay Ko Pin-yi sa World 10-Ball Finals noong Pebrero sa General Santos City, nang lasapin ang mas masaklap na 4-11 kabiguan.
Namahinga na rin si Jeffrey Ignacio sa kamay ni Singaporean Aloisius Yapp, 6-11.
Magkakaroon ng pagkakataon si Kiamco na ipaghiganti ang pagkatalo ng kababayang si Biado dahil si Ko ang siya niyang kalaban sa Last 16.
Ang aksyon kagabi ay hanggang sa quarterfinals habang ang semifinals at finals ay gagawin ngayon.
Ang World 8-Ball champion na si Dennis Orcollo at Oliver Medenilla ay magtatangka na gawing tatlo pa ang panlaban ng bansa sa Last 16.
Katumbukan ni Orcollo si Hunter Lombardo ng USA habang si Medenilla ay masusukat kay Chang Yu-lung ng Chinese Taipei.
Nakaabot si Orcollo sa yugtong ito nang pinagpahinga ang nalalabing Qatari player na si Mishel Turkey sa kumbinsidong 11-1 panalo habang si Medenilla ay nangibabaw kay Karol Skowerski ng Poland, 11-4.
Namaalam naman sa Last 64 sina Doha Asian Games gold medalist Antonio Gabica at Johann Chua sa kamay nina Ruslan Chinakhov ng Russia at Yukio Akagariyama ng Japan sa parehong 11-5 iskor.