MANILA, Philippines - Imbes na umakyat ng posisyon dahil sa pagreretiro ni Floyd Mayweather Jr. noong Linggo ay dumausdos pa ang puwesto ni Manny Pacquiao sa ‘pound-for-pound’ king ranking ng The Ring Magazine.
Bunga ng kanyang unanimous decision loss kay Mayweather (49-0-0, 26 KOs) noong Mayo 2 at kabiguang makapagpabagsak ng kanyang mga nakaraang karibal ay nasa No. 8 na lamang si Pacquiao sa Top 10 ng nasabing listahan.
Sa pagreretiro ng 38-anyos na si Mayweather, tinalo si Andre Berto noong nakaraang Linggo, ay hinirang ng The Ring si World Boxing Council flyweight champion Roman ‘Chocolatito’ Gonzalez ng Nicaragua bilang bagong ‘pound-for-pound’ king.
Nakatakdang hamunin ni dating Fil-Am two-division world champion Brian ‘The Hawaiian Punch’ Viloria (36-4-0, 22 KOs) si Gonzalez sa Oktubre 17 sa Madison Square Garden sa New York City.
Bukod kina Gonzalez (43-0-0, 37 KOs) at Pacquiao (57-6-2, 38 KOs), ang iba pang nasa Top 10 ng The Ring ay sina Andre Ward (No. 2), Sergey Kovalev (No. 3), Gennady Golovkin (No. 4), Guillermo Rigondeaux (No. 5), Wladimir Klitschko (No. 6), Terence Crawford (No. 7), Shinsuke Yamanaka (No. 9) at Kell Brook (No. 10).
Sina Crawford (26-0-0, 18 KOs) at Brook (36-0-0, 24 KOs) ay dalawa sa apat na nababanggit na maaaring labanan ni Pacquiao sa susunod na taon.
Ang dalawa pa ay sina Amir Khan (31-3-0, 19 KOs) at Danny Garcia (31-0-0, 18 KOs).
“Boxing is not my focus because I can only fight next year, to give my shoulder a rest,” sabi ni Pacquiao sa panayam ng The Guardian. Inoperahan ang kanang balikat ni Pacquiao noong Mayo 7 limang araw matapos ang kanyang kabiguan kay Mayweather.