MANILA, Philippines - Mahaharap ngayon sa must-win ang Petron Lady Blaze Spikers kung nais nilang umabante sa susunod na round sa 2015 AVC Asian Women’s Club Championship sa Ha Nam Competition Hall sa Vietnam.
Ang laro ay gagawin dakong alas-9 ng gabi dito sa bansa at kailangang ilabas na ng mga kasapi ng Lady Blaze Spikers ang lahat ng nalalaman para matalo ang Azad University ng Iran.
Binugbog ang Petron ng 4.25 Sports Club ng North Korea sa pagbubukas ng torneo noong Sabado, 13-25, 18-25-11-25 para malagay sa huling puwesto sa Pool B kasama ang Iranian team na tumaob sa Zhejiang ng China, 7-25, 10-25,17-25.
Ang mangungunang apat sa limang koponan sa grupo ay aabante sa knockout round kaya’t ang mananalo sa Petron at Azad University ay may magandang tsansa na masilo ang ikaapat at huling puwesto.
“It’s now or never for us. We must get our acts together,” wika ni Petron coach George Pascua na ginamit ang pahinga kahapon para ipulido ang plays ng kanyang bataan.
Ang two-time defending champion Hisamitsu Springs ng Japan at Zhejiang ang mga makakalaban ng Petron bukas at sa Miyerkules na mabibigat na koponan kaya’t ang pag-asa nila para umusad pa ay talunin ang matatangkad na Iranians.
Nananalig si Pascua na lalabas na ang laro ni Brazilian import Rupia Inck Futado na nagkaroon lamang ng pitong puntos. May 29 attack attempts siya ngunit limang puntos lamang ang kanyang naitala.
Sina Dindin Manabat, Aby Maraño at Rachel Ann Daquis ay dapat ding kuminang para lumakas ang tsansang manalo ng koponan.
Ang tatlong ito ay tumapos lamang bitbit ang pito, apat at apat na puntos, ayon sa pagkakasunod sa unang laro.