Laro Ngayon (Smart Araneta Coliseum)
3 p.m. Talk ‘N Text vs New Zealand
5 p.m. Gilas vs Chinese Taipei
MANILA, Philippines – Sa ikalawang sunod na pagkakataon ay muling tinakasan ng Gilas Pilipinas ang Wellington Saints ng New Zealand.
Humugot si guard Terrence Romeo ng 12 sa kanyang 18 points sa fourth quarter para tulungan ang Nationals sa 84-81 panalo laban sa mga Kiwis sa three-day MVP Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Nauna nang nilusutan ng Gilas Pilipinas ang Wellington sa overtime, 92-88, sa nakaraang 37th Jones Cup sa Taipei kung saan nagsalpak si Dondon Hontiveros ng tatlong tres sa extra period.
Kumonekta si Romeo ng apat na tres sa final canto, ang huli ay nagbigay sa Nationals ng 78-76 abante sa huling 3:05 minuto matapos ibaon ng Saints sa 13-point deficit.
Huling nakadikit ang Wellington, tinalo ang Chinese-Taipei, 108-80, noong Biyernes, sa 81-82 agwat mula sa dalawang free throws ni playing coach Kevin Braswell sa natitirang 8.5 segundo.
Sinelyuhan ni Romeo ang panalo ng Gilas Pilipinas sa kanyang dalawang foul shots sa huling 7.7 segundo.
Sa unang laro, bumangon naman ang Talk ‘N Text mula sa naunang kabiguan sa Gilas matapos kunin ang 99-91 panalo laban sa Chinese Taipei.
Nakabawi ang Tropang Texters mula sa eight-point deficit papasok sa fourth quarter matapos kumamada ng 34 points para talunin ang mga Taiwanese.
Kumolekta si Fil-Tongan rookie Moala Tautuaa ng 20 points at 13 rebounds, habang nagtala si Jeth Troy Rosario ng 19 markers at 9 boards para sa Talk ‘N Text.