Marcial, Ladon nag-sorry

Sina Rogen Ladon at Eumir Felix Marcial

BANGKOK – Para sa mga batang boxers na sina Rogen Ladon at Eumir Felix Marcial, wala nang mas higit na kasiyahan kundi ang lumaban para sa karangalan at sa bansa.

Noong Sabado ay lu­maban ang 21-anyos na si Ladon at ang 19-anyos na si Marcial para sa gold medal sa 2015 ASBC Asian Boxing Championships.

Itinuring itong Asian Games ng boxing.

Parehong natalo sina Ladon at Marcial laban sa kanilang mga top-seeded rivals mula sa Uzbekistan at Kazakhstan, ayon sa pagkakasunod, at nilisan ang ring na puro pasa ang mukha.

Nakasabit ang silver medals sa kanilang mga leeg at bago umalis ng Thammasat University ay panay ang paghingi nila ng tawad dahil sa kabiguan.

“Pasensiya na sir. Hindi natin nakuha,” sabi ni Ladon sa kabiguan niyang masikwat ang gold medal.

Kinagabihan ay halos nakapikit na ang kanyang namamagang kanang mata dahil sa mga suntok ni Hasanboy Dusmatov sa light flyweight finals.

Maga naman ang dalawang mata ni Marcial sa quarterfinals pa lamang ng kanyang weight division.

Sa finals ay natalo siya kay 2014 Asian Games welterweight champion Daniyar Yeleussinov, ang gold medalist noong 2013 World Championships.

Binigyan ni Marcial, ang gold medalist noong 2011 World Junior Championship, ng mabigat na laban ang kanyang top-ranked rival na ikinukunsidera niyang idolo.

“Masakit na talaga. Ni hindi nga ako makapag-hilamos kaninang umaga,” sabi ni Marcial.

Kagaya ni Ladon, masama din ang loob ng tubong Zamboanga dahil sa kanyang pagkatalo.

“Sorry sir. Ginawa ko na lahat. Para sa bansa eh,” ani Marcial.

Show comments