MANILA, Philippines – Itinaas na ni Jiovani Jalalon ang ipinakikitang laro para matulungan ang Arellano Chiefs sa hinahangad na ikalawang sunod na pagtapak sa Final Four sa NCAA.
Dalawang panalo ang kinuha ng Chiefs nitong nakaraang linggo at ang national player na si Jalalon ang nangunguna bitbit ang 26 puntos, 12 assists at 8 rebounds average.
Sa laro laban sa Perpetual Help itinodo ng 5’9 point guard ang performance para higitan ang ginawa ng batikang Altas guard na si Earl Scottie Thompson.
Tumapos si Jalalon bitbit ang 32 puntos at kanyang sinahugan ito ng 15 assists at 10 rebounds para sa ikalawang triple-double sa season at bitbitin ang Chiefs sa 84-77 panalo sa overtime.
Anim na puntos ang kanyang ginawa sa pamatay na walong sunod na puntos sa pagbubukas ng extention para ibigay sa Arellano ang ikawalong panalo matapos ang 12 laro.
“Wala ka ng mahihingi pa sa ipinakikita ni Jiovani dahil naitataas niya ang kanyang laro kapag kailangan ng team,” wika ni Chiefs coach Jerry Codiñera.
Dahil sa magandang ipinakikita ay dinaig ni Jalalon sina Arthur dela Cruz ng San Beda Red Lions at Mark Cruz ng Letran Knights para sa ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week citation.
Marami pang matitinding laro ang haharapin ng Chiefs pero hangga’t solid ang numerong ibinibigay ni Jalalon ay malaki ang kanilang tsansa na magwagi para maabot ang unang target na puwesto sa Final Four. (AT)