MANILA, Philippines – Bagama’t nawala ang itinayong 15-point lead sa third period ay nanatili pa rin sa kanilang sarili ang De La Salle para kunin ang unang panalo sa 78th UAAP men’s basketball tournament.
Nagsalpak si Jeron Teng ng mahalagang jump shot sa huling 23.6 segundo para tumapos na may 18 points at tulungan ang Archers sa 67-63 panalo laban sa nagdedepensang Bulldogs ng National University kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ang naturang tirada ni Teng ang muling naglayo sa La Salle sa 64-59 matapos makadikit ang NU sa 58-60 agwat buhat kay Gelo Alolino sa huling 1:58 minuto ng fourth quarter.
“We came out really strong, but NU being the defending champions, they gave us a good fight and they proved themselves in the fourth quarter,” sabi ni La Salle coach Juno Sauler.
Nauna nang itinala ng La Salle ang 45-30 sa third period bago nailapit nina Alolino at J-Jay Alejandro ang NU sa 58-60.
Matapos ang mintis nina Teng at Jason Perkins at agaw ni Alfred Aroga sa pasa ni Archers’ rookie Andrei Caracut ay nabigyan naman ng foul si Alolino sa huling 1:19 minuto.
Ngunit isang free throw lamang ang naikonekta ni Alolino para sa 59-60 agwat ng NU kasunod ang dalawang foul shots ni Perkins at jumper ni Teng para ilayo ang La Salle sa 64-59 sa natitirang 23.6 segundo.
Sa ikalawang laro, sinuwag naman ng FEU Tamaraws ang Ateneo Blue Eagles, 88-64.
Kumamada si Kiefer Ravena ng 25 points para sa Ateneo ngunit napatahimik ng FEU sa fourth quarter.
DLSU 67 – Teng 18, Caracut 13, Perkins 13, Rivero 11, Sargent 6, Torres 3, Trater 3, Go 0, Langston 0.
NU 63 – Alolino 16, Alejandro 15, Aroga 9, Diputado 8, Javelona 4, Salim 4, Neypes 3, Javillonar 2, Morido 2, Abatayo 0, Celda 0, Rangel 0, Tansingco 0.
Quarterscores: 16-6; 33-23; 51-40; 67-63.