MANILA, Philippines - Sinandalan ng Perlas Pilipinas ang galing ng kanilang mga starters para angkinin ang 82-76 panalo sa India sa playoff sa FIBA Asia Women’s Championship sa Wuhan, China kahapon.
Si Afril Bernardino ay gumawa ng 32 puntos mula sa 14-of-18 shooting, habang sina Allana Lim, Merenciana Arayi at Shelley Gupilan ay tumapos taglay ang 20, 13 at 12 puntos upang maisakatuparan ng Pambansang koponan ang umangat sa Level I sa 2017 edisyon.
Taong 1995 nang lagyan ng FIBA Asia ng mga kategorya ang mga bansang mahilig sa women’s basketball at ito ang unang pagkakataon na umabante ang Pilipinas sa mas mataas na grupo.
Ang India na dati ay kasali sa Level I, ay bababa sa Level II sa susunod na edisyon.
Tinalo rin ng North Korea ang tinitingala sa South East Asia na Thailand, 66-50, para umakyat din ng grupo.
Dominado ng koponang minandohan ni coach Patrick Aquino ang bakbakan at sa pagtatapos ng ikatlong yugto ay lamang sila ng 12, 65-53.
Nagsikap ang India na humabol at tatlong beses nilang napababa ang bentahe sa tatlong puntos, ang huli ay sa 74-71 sa huling 2:16 ng labanan mula sa free throws ni Jeena Skaria.
Ngunit hindi bumigay ang Nationals at sina Arayi at Bernardino ay may tig-isang steal at kasama si Lim ay pinagningas ang 8-3 palitan upang ilayo uli ang Pilipinas sa walo, 82-74.
Tinapos ng Pilipinas ang matagumpay na kampanya bitbit ang limang sunod na panalo matapos matalo sa Malaysia sa unang laro.
Ito rin ang ikalawang opisyal na international tournament ni Aquino at nakabawi siya sa pagkakalapag lang sa ikaapat na puwesto ng Perlas sa Singapore SEA Games.