MANILA, Philippines – Tatlong three point shot ang pinakawalan ng beteranong si Dondon Hontiveros sa overtime upang itakas ang, 92-88, na panalo ng Gilas Pilipinas kontra New Zealand sa 37th Williams Jones Cup sa Taiwan ngayong Biyernes.
Kumayod ng 21 markers ang 38-anyos na si Hontiveros, habang nag-ambag din ang 42-anyos na si Asi Taulava ng 12 markers at anim na rebounds upang ilista ang kanilang ikaapat na panalo sa anim na laro.
Hindi rin naman nagpahuli ang tinaguriang best point guard in Asia na si Jason Castro na itinabla ang laban sa 78-78 matapos ang kaniyang layup sa kaliwa upang dalhin sa overtime ang laban. Tumabo ng team-high 22 points si Castro.
Nakabangon ang Gilas mula sa masamang first half kung saan pitong puntos lamang ang kanilang nagawa kaya naman natambakan sila, 42-32.
Lumobo pa nga ang kalamangan sa 16 puntos dahil sa mainit na opensa ng New Zealand sa third quarter, 55-39.
Makakalaban bukas ng Gilas ang USA selection ganap na alas-5 ng hapon.