Perlas, India maglalaglagan

MANILA, Philippines - Haharapin ngayon ng Perlas Pilipinas ang koponan ng India para madetermina kung sino sa kanila ang aakyat sa Level 1 sa 2015 FIBA Asia Women’s Championship sa Wuhan, China.

Pinangunahan ng Pambansang koponan ang Level II sa  4-1 karta upang magkaroon ng pagkakataon na bu­malik sa mas mataas na grupo sa 2017.

Ang North Korea na tinalo ang Hong Kong, 66-43, ay makakabangga ang Thailand sa unang laro sa ganap na ala-1 ng hapon para sa isa pang puwesto sa Level I.

Bumangon ang Pilipinas matapos matalo sa Malaysia sa unang laro nang tinuhog nila ang North Korea, 68-67, Sri Lanka, 65-45, Hong Kong, 75-62 at Kazakhstan, 80-73, sa double overtime.

Sa kabilang banda, ang India, na ranked 39th sa mundo, ang bukod-tanging koponan sa Level I na hindi nakatikim ng panalo matapos ang limang laro.

Angat ang Pilipinas sa India sa average sa pagpuntos, 70.4-47.6, rebounds, 49.4-37.2, at assists, 11.2-6.4.

Ngunit hindi puwedeng magkumpiyansa ang Nationals dahil tiyak na hindi papayag ang katunggali na bumaba ng lebel.

Ang magandang pagtutulungan ng lahat ng 12 pla­yers ang sasandalan ni coach Pat Aquino para makuha ang tagumpay.

Show comments