Dela Cruz muling nagpasiklab sa Beda

MANILA, Philippines – Sa pagsisimula ng 91st NCAA men’s basketball ay malinaw ang nais na mangyari ni Arthur dela Cruz sa huling taon sa San Beda Red Lions, ang tulungan sila na manalo ng ikaanim na sunod na titulo.

Hindi naman napapa-hiya si Dela Cruz sa ipinakikita para manati­ling nasa itaas ang 5-time defending champion Red Lions sa 9-2 baraha.

“Bago ako sana lumi­san sa team sana ay matulungan ko sila na manalo pa ng isang title,” wika ni Dela Cruz na naghahatid ng 20.36 puntos, 12.08 rebounds at 6.09 assists.

Siya rin ang trangko sa dalawang dikit na panalo ng San Beda sa second round upang makabangon ang koponan mula sa pagkatalo sa Arellano Chiefs sa pagtatapos ng first round.

May 30 puntos, 10 rebounds, 5 assists at 4 steals ang 6’4 na si dela Cruz nang kunin ang 96-84 tagumpay sa EAC Gene­rals bago sinundan ito ng solidong 17 puntos, 10 rebounds at 7 assists sa 89-63 pamamayagpag sa St. Benilde  Blazers.

Ang ibinibigay na numero ay  tiyak na maglalagay kay Dela Cruz para maging palaban sa MVP award ngunit hindi muna iniisip ng batang manlalaro na kinuha ng Blackwater sa PBA Draft ang individual award kungdi ang kapa­kanan ng koponan.

Dahil sa impresibong ipinakita sa magkadikit na panalo, si Dela Cruz ang kinilala para sa ACCEL Quantum/3XVI-NCAA Press Corps Player of the Week honors.

Ang mahusay na point guard ng Letran Knights na si Mark Cruz at ang Ca­meroonian center ng Lyceum Pirates na si Jean Victor Nguidjol ang iba pang ikinonsidera sa lingguhang citation na suportado ng ACCEL Quantum at 3XVI. (AT)

Show comments