Garcia kay Pacquiao: Pababagsakin kita!

MANILA, Philippines - Hindi pa man nabubuksan ang negosasyon para sa kanilang laban ni Manny Pacquiao ay nagpakawala na ng mapanghamong pahayag si Danny Garcia.

Sa isang video interview ng Boxing Voice ay sinabi ni Garcia na ang kanyang left hook ang mu­ling magpapabagsak kay Pacquiao kagaya ng right hook na ikinonekta ni Juan Manuel Marquez kay ‘Pacman’ noong 2012.

Ngunit tinawanan lamang ito ni chief trainer Freddie Roach.

“Knockouts are a part of boxing,” sabi ni Roach sa pagyayabang ni Garcia. “He’s (Garcia) got a left hook and it knocked Amir Khan out.”

Mula sa counter right hook ni Marquez ay bu­magsak si Pacquiao sa huling segundo ng sixth round sa kanilang ikaapat na pagtatapat noong Dis­yembre ng 2012.

Sa susunod na taon muling lalaban si Pacquiao (57-6-2, 38 KOs) matapos matalo kay Floyd Mayweather Jr. (48-0-0, 26 KOs) via unanimous decision noong Mayo 2.

Isa si Garcia  (31-0-0, 18 KOs), humahawak sa WBC at WBA light welterweight belts, sa mga pangalang nababanggit para labanan ni Pacquiao sa 2016.

Ang dalawa pa ay sina Khan (31-3-0, 19 KOs) at WBO lightweight welterweight king Terence Crawford (26-0-0, 18 KOs) na nakatakdang labanan ang Canadian challenger na si Dierry Jean (29-1-0) sa Oktubre 24.

Show comments