MANILA, Philippines - May tsansa pang maisalba ang naudlot na plano sa pagpapatayo ng training center sa Clark, Pampanga.
Isang pagpupulong ang balak na isagawa ng pamunuan ng Clark International Airport Corporation (CIAC) kasama ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) para mapag-usapan ang naging ugat ng problema, ang dapat na ibayad ng PSC sa 50 ektaryang lupain na gagamitin para sa makabagong training center ng Pambansang atleta.
Ang pagpupulong ay para maipaliwanag ng POC at PSC sa buong opisyales ng CIAC board ang plano at maipakita na hindi kikita ang sinuman sa mga sports agencies sa pagpapatayo ng pasilidad kungdi ito ay para sa ikabubuti ng Pambansang atleta.
“I’m still waiting for that opportunity,” ani POC president Jose Cojuangco Jr.
Maging si Pampanga representative at kasapi ng House Committee on Youth and Sports Congressman Joseller “Yeng” Guiao ay nagsabi ng kahandaan na pagharapin ang CIAC, POC at PSC para maisalba ang plano na tiyak na makakatulong sa hangaring tumaas ang kalidad ng mga Pambansang manlalaro.
“Kailangang mag-usap uli. Tingin ko ay puwede pang ma-save ang project natin. We will meet with both parties as soon as possible,” wika ni Guiao.
Halagang P150,000.00 bawat ektarya ang nais na singilin ng CIAC sa PSC para mangailangan ng P7.5 milyon kada taon ang gagastusin sa renta.
Sampung taon na balak gamitin ng PSC ang lupa para sa training center kaya’t malaking pera ang ilalabas ng ahensya.
Tingin din ni Guiao na hindi karapat-dapat na singilin ng ganito kalaki ng CIAC ang PSC dahil pareho silang mga government agencies at kung ang development ng Clark ang pag-uusapan ay makakatulong ang training center dahil may mga puwedeng ipasok ding negosyo ang CIAC.